Monday, July 12, 2010

Babaeng Grasa

Babaeng Grasa (1)

Matagal nang panahon ang lumipas pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin malimutan ang kanyang napakagandang mukha. Paano ko s’yang malilimutan? S’ya na nagturo sa akin kung paano magmahal? Tandang-tanda ko pa ang lahat….
Isa pa lamang akong bagong manunulat sa isang pahayagan sa Maynila noon. Bagama’t bagito, hindi naman sa pagyayabang, isa ako sa pinagkakatiwalaan, hindi lamang ng aming Editor – in Chief, kundi pati na rin ng mga mambabasa. Kaya naman nang minsang ipagkatiwala sa akin ang isang napakalaking balita tungkol sa mga taong-labas na gumagala-gala at nanggugulo sa aming bayan sa probinsya ng Cavite. Sa isip ko, “Tamang-tama. Matagal-tagal na din akong hindi nakaka-uwi sa amin. Bukod sa trabaho, may pagkakataon akong makita ang mga dating kaibigan at makapahinga sa aming bahay.”
Wala akong inaksayang panahon. Dali-dali akong nag-empake ng mga damit at umuwi sa bayan namin ng Castanos, Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite.
Nadatnan kong abala sa mga halaman ang katiwala naming si Mang Oca. “Sir Timmy! Bakit po hindi kayo nagpasabi na dadating kayo? Sana’y napasundo ko kayo kay Kanor.”, ang nagulat nyang sabi.
“Eh, biglaan din po kasi kaya hindi ko na rin naisip na tumawag. Sobrang excited nga po ako eh. Biruin mong dito ako ma-assign.”, sabay akbay ko kay Mang Oca. “May makakain ba tayo d’yan? Medyo nagutom ako sa byahe eh.”
“Ay opo. Nagpangat ng tulingan si Manang Melba mo at tsaka adobong kangkong. Pasensya ka na’t yun lamang ang ulam.” tugon n’ya.
“Naku! ‘Yan ang mga pagkaing nami-miss ko! Tamang-tama!”, sabi ko. “Mang Oca, meron sana akong itatanong sa inyo. May napapansin ba kayong mga pagkilos ng mga taong-labas dito sa atin?”
Napa-buntong hininga ang matanda, “Opo, sir. Balitang-balita dito sa bayan ang malimit na pagsalakay ng mga ‘yan. Nanghihingi ng kontribusyon sa mga tao. Pero mga mayayaman naman ang lagi nilang pinupuntirya. Ayun nga at nagkaroon na naman ng engkwentro noong isang linggo. May nahuling 3 kaanib na nakakulong ngayon sa munisipyo. Balak ng mga pulis na ilipat sila sa provincial jail sa susunod na linggo. ‘Wag na po kayong magugulat kung makakarinig kayo ng putukan. Pangkaraniwan na lang po yan dito.”
Papasok na sana kami ng bahay nang mapansin ko sa di kalayuan na nagkakagulo ang mga bata. Nakita ko ang isang babaeng marungis na tinitukso ng mga bata. “Mabantot! Mabantot! Grasyang mukhang kulangot!!!!” (itutuloy)


No comments:

Post a Comment