Monday, July 12, 2010

Babaeng Grasa (2)

“Mabantot! Mabantot! Grasyang mukhang kulangot!”, patuloy na panunukso ng mga bata sa babae.
“Mang Oca, sino ‘yan? Bakit may taong grasa dito? Dati naman eh walang ganyan dito sa atin.”, tanong ko.
“Ah… Kung tawagin ‘yan ng mga tao dito, Grasya. Nag-umpisa ‘yang makita dito matapos ang isang malakas na bagyo. Ang sabi, tinangay daw ang kubong tinitirhan ng pamilya n’ya ng malakas na baha sa kabilang ibayo. Namatay ang kanyang ina at hanggang ngayon ay di makita ang kanyang ama at kapatid na tinangay ng baha. Umapaw yung ilog sa kabilang ibayo. Kawawa nga ‘yan. Kaya paminsan-minsan, inaabutan ko kahit kaunting pagkain at ilang pirasong damit.”, kwento ni Mang Oca.
Hindi ko maiwasan na titigan ang babae. Marusing nga ang babae ngunit kita ko na mayroong itsura ito.
“Mabuti’t hindi pinagti-tripan ng mga lokong lasenggo dito ‘yan. Mukhang may pigura pa naman.” Tugon ko.
Napatigil si Mang Oca sa paglalakad at tumingin sa akin, “Ikaw ba’y papatol sa babaeng may sayad na nga eh mukhang di pa naliligo ng isang buwan?”, biro n’ya.
Napangiti na lamang ako. Bago pumasok, binigyan kong muli ng isang sulyap ang babae sa labas. Tumingin s’ya sa aking direksyon. Ang kanyang mga mata…. Kita ko ang kanyang lungkot. Binigyan ko s’ya ng isang ngiti. Tumakbo nang papalayo ang babae na sinusundan ng mga batang nanunukso.
Nang gabing iyon, habang naghihintay na dalawin ng antok, pumasok sa isip ko ang babaeng grasa. Pumasok sa isip ko ang panghihinayang. Maganda s’ya… Sayang… Sayang… Ano ba itong nangyayari sa akin? Sa dinami-dami ba naman ng mga nakilala kong babae sa Manila, mga sopistikada, sosyal at talaga namang magaganda, pero hindi ko pa nararamdaman ang ganitong damdamin. Hindi naman sa pagmamayabang, may itsura din naman ako. Sa katunayan, mga babae na nga ang nagpapakita ng motibo sa akin para pansinin ko man lang sila. Pero sadya yatang pihikan ako pagdating sa babae. Nagtataka lang ako ngayon…. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Nakatulugan ko na ang aking pag-iisip.
------------------------------------------
Kinabukasan, habang kumakain ako ng almusal sa garden, nakita kong sumusungaw sa gate ang babaeng grasa. Nakatingin s’ya sa akin. Tumayo ako at nilapitan s’ya.
“Nagugutom ka ba?”, tanong ko.
Tumango ang babae. Binuksan ko ang gate, “Halika. Saluhan mo ako.” , alok ko. Pero umiling ang babae at akmang tatakbo. “Sandali lang!”, tumakbo ako papunta sa mesa. Dumampot ako ng ilang pirasong tinapay at inilagay ko sa plato. Sinamahan ko na rin ng hotdog at itlog. Dali-dali ko itong iniabot sa babae. Tinanggap n’ya ito at dali-daling lumayo. Bago s’ya tuluyang mawala sa aking paningin, lumingon s’ya at binigyan n’ya ako ng isang matamis na ngiti.
-----------------------------------------
Nage-email ako nang mapansin ko sa di kalayuan ang isang grupo ng mga lalaki na tinutukso si Grasya. Kitang-kita ko nang itulak ng isa sa kanila si Grasya sa kanal. Dali-dali akong tumakbo at inundayan ko ng suntok ang lalaki. Nakipag-buno ako sa apat na lalaki. Buti na lang at dumating sina Mang Oca at Kadyo na may dalang mga pamalo. Nagsipulasan ng takbo ang mga loko. Nakita ko si Grasya sa kanal. Wala itong malay. Dali-dali kong binuhat, “Mang Oca, tumawag kayo ng doctor!”, sabi ko habang buhat-buhat si Grasya. Dinala ko s’ya sa bahay.
----------------------------------------
“Kamusta na sya, dok?”, tanong kong may pag-aalala.
“Wala naming problema maliban sa ilang gasgas sa tuhod at mga braso. Kaya s’ya nawalan ng malay ay sa sobrang pagod. Kailangan lang n’ya na maalagaan hanggang manumbalik ang kanyang lakas.”, sabi ni Doctor Manibay.
“Salamat po.”
Tuluyan nang umalis ang doctor.
Nang magkaroon ng malay si Grasya, sinabihan ko si Manang Melba na tulungan si Grasya na maligo at maglinis ng sarili.
“Hay naku, Timmy! Naubos yata ang isang buong sabon! Susmaryang katilpo!”, ang mga salitang narinig ko kay Manang Melba.
Ang hindi ko makakalimutan ay nang makita ko si Grasya na hindi marusing at nanlilimahid….(itutuloy)

No comments:

Post a Comment